Nangako si US President Donald Trump na lagdaan ang ilang serye ng executive orders sa unang araw niya bilang Pangulo.
Ginawa ni Trump ang pahayag sa harap ng libu-libo niyang supporter na nagtipun-tipon para sa kaniyang Victory rally sa Washington DC arena.
Inaasahan na lalagdaan ni Trump ang mahigit 200 executive actions nitong Lunes, oras sa Amerika.
Kabilang dito ang executive orders na legally-binding at iba pang presidential directives gaya ng proclamations na kadalasang hindi ginagawa.
Ayon kay Trump, ipapawalang bisa niya ang bawat executive order ng Biden administration na tinawag niyang “radical at foolish” sa loob ng ilang oras lamang ng kaniyang pag-upo sa pwesto.
Ipinangako din ni Trump ang paglagda sa executive orders na magpapabilis sa artificial intelligence programmes, pagbuo ng Department of Government Efficiency (Doge), gagawin din aniyang available sa publiko ang mga record kaugnay sa assassination ng ika-35 Pangulo ng Amerika na si dating Pres. John F. Kennedy noong 1963, aatasan ang military na bumuo ng Iron Dome missile defense shield at pagpuksa sa diversity, equity at inclusion (DEI) policies mula sa US military.
Sinabi din ni Trump sa kaniyang supporters na ipapatigil niya ang paglahok ng transgender women sa female sports categories at ibabalik ang kontrol sa edukasyon sa mga estado ng Amerika.