-- Advertisements --
gunban

Iniulat ng Philippine National Police na umabot na sa mahigit 200 indibidwal ang naaresto ng kapulisan nang dahil sa paglabag sa ipinapatupad na election gun ban sa bansa.

Batay sa datos na inilabas ni PNP-Public Information Office acting chief PCOL Jean Fajardo, mula noong hatinggabi ng Agosto 28 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Setyembre 2 ay pumalo na sa216 ang kabuuang bilang ng mga naaaresto ng Pambansang Pulisya nang dahil sa paglabag sa pagbabawal ng mga otoridad na magdala ng armas at iba pang deadly weapons ngayong panahon ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Mula sa naturang bilang, nasa 211 ang mga naarestong sibilyan, dalawa ang security guard, habang isa naman ang nahuling elected government official.

Base pa rin sa nasabing datos ay lumalabas na ang hurisdiksyon ng NCRPO ang mayroong pinakamaraming nahuli na umabot pa sa 64; habang sumunod naman ang Police Regional Office 3 o sa Central Luzon na mayroong 46, at pumangatlo naman PRO7 o sa Central Visayas na mayroong 22.

-- Advertisement --

Mula sa mga naarestong indibidwal ay nasa kabuuang 130 na mga armas na binubuo ng 126 short firearms, at apat na light weapon naman ang nakumpiska’t narekober ng kapulisan.