-- Advertisements --

ILOILO CITY- Nilamon ng apoy ang mahigit sa 200 kabahayan sa Iloilo City.

Nangyari ang sunog sa boundary ng Zone 2, San Juan at West Habog-habog, Molo, nitong lungsod.

Sa inisyal na pagtaya ng Iloilo City Social Welfare and Development Office,172 na mga bahay ang nasunog sa West Habog-habog at 62 naman sa San Juan.

Tumagal ng mahigit isang oras bago naapula ang apoy.

Hindi pa natutukoy ang pinagmulan ng sunog.

Samantala, ibinahagi naman ng isang residente sa lugar ang tinuturing nitong milagro sa gitna ng nangyaring malaking sunog.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Evelyn Gaco,sinabi nito na habang nilalamon ng apoy ang mga katabing -bahay, hawak-hawak niya ang imahe ni Sr. Sto. Nino at ni San Gabriel Arkanghel habang taimtim na nagdarasal na makaligtas sa sunog ang kanyang bahay.

Hindi nabigo si Gaco sa kanyang panalangin at bago pa man umabot sa kanyang bahay ang apoy ay kaagad na itong naapula.

Tinuturing din niya itong best birthday gift dahil kahit wala umano siyang handang cake ay nakaligtas naman sila sa sunog.