Inihahanda na ng Davao Region PNP ang hanggang 200 kaso laban sa umano’y mga protector ni Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay Davao Police Regional Office (PRO 11) Regional Director Police Brig. Gen. Nicolas Torre III, binubuo ng pulisya ang lahat ng mga maaaring isampang kaso laban sa mga tagasuporta ni Quiboloy na naging dahilan kung bakit natagalan ang paghahanap sa kontrobersyal na pastor.
Ayon kay Torre, inatasan na niya mga police director na nasa ilalim ng Davao Region PNP na maghanda ng hanggang sampung kaso sa bawat indibidwal na natukoy na tumulong sa pagtatago ni Quiboloy.
Maliban sa mga suporter, maghahain din aniya ang pulisya ng mga kaso laban sa mga indibidwal na may impormasyon ukol sa pinagtataguan ni Quiboloy ngunit sinadyang hindi makipagtulungan sa PNP at sinadyang itago ang naturang impormasyon sa PNP.
Kabilang sa mga kasong ihahain laban ay ang obstruction of justice, disobedience, atbpa.
Samantala, magsasapa rin ang pulisya ng hiwalay na sedition charge laban sa mga miyembro ng KOJC na nakibahagi sa nangyaring blockade o pagharang sa Carlos P. Garcia highway noong August 25. Ang naturang kalsada ay ang daan patungo sa KOJC compound.
Dito ay ilang personalidad na ang kanilang natukoy, kabilang umano ang isang retiradong army general.
Ayon kay Torre, gagamitin ng pulisya ang mga video at larawang nakuha sa kasagsagan ng PNP operation gamit ang mga body camera.