DAVAO CITY – Nagbabala si City Disaster Risk Reduction and Management Office operations head Rodrigo Bustillo na aasahan pa ang mararanasan na mga pag-ulan ngayong buwan ng Oktubre na posibleng magdulot pa ng mga pagbaha sa siyudad ng Davao.
Ang pahayag ng opisyal ay may kaugnayan sa nangyaring pagbaha sa downtown area ng siyudad kung saan nasa 290 na mga pamilya ang apektado.
Ilan sa mga lugar na naapektuhan ay ang Don Ramon Village, San Miguel, La Verna, at Cabantianin sa Barangay Panacan.
Una nang sinabi ng opisyal na isa sa mga dahilan ng pagbaha ay ang baradong mga drainage na napuno ng mga basura at hindi paglinis ng mga creek.
Nanawagan na lamang ang opisyal sa mga barangay sa nasabing lugar na magsagawa ng regular na paglilinis lalo na at patuloy na mararanasan ang mga pag-ulan sa susunod pa na mga buwan.