Nakatakdang i-repatriate ang kabuuang 213 Pilipino sa Lebanon ngayong weekend sa gitna pa rin ng tumitinding sagupaan sa pagitan ng militanteng Hezbollah at Israel.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ibabiyahe ang mga Pilipino mula Lebanon sa pamamagitan ng commercial flights dahil pahirapan ang booking ng malaking bilang para sa kanilang repatriation.
Inihayag din ng kalihim na mayroon pang 400 Pilipino ang nag-aantay ng clearance mula sa Immigration ng Lebanon bago sila makauwi sa Pilipinas.
Samantala, may kabuuang 178 Pilipino naman ang kasalukuyang nananatili sa mga temporary shelters sa Lebanon.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Lebanon, ibig sabihin boluntaryo ang repatriation sa mga Pilipino.