-- Advertisements --

Tinatayang nasa 2,044 magsasaka mula sa bayan ng San Miguel sa Leyte ang nakatanggap ng cash assistance na may kabuuang halagang mahigit P10 milyon sa ilalim ng Farmers’ Assistance for Recovery and Modernization (FARM) Program ng administrasyong Marcos.

Pinangunahan ng mga opisyal ng tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Partylist of Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre at Department of Social Worker and Development (DSWD) ang pamimigay ng financial assistance na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa sa mga magsasakang benepisyaryo.

Ang pamimigay ng tulong ay ginaganap sa San Miguel Municipal Gymnasium na dinaluhan nina Mayor Norman Sabdao at SB Leticia Asis Espos.

Ang FARM program ay isang inisyatiba ni Speaker Romualdez na naglalayong mapababa ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng gobyerno ng tulong sa mga magsasaka.

Ang P10.22 milyon na ipinamigay sa mga magsasaka ay galing sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.

Batay sa pag-aaral, sinabi ni Speaker Romualdez na ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay tumataas kapag tumataas ang presyo ng bigas.

Sa pamamagitan ng programa, darami umano ang bigas na mabibili ng National Food Authority (NFA) sa mga lokal na magsasaka na siyang magpapataas sa rice buffer stock ng bansa kaya mas magiging panatag ang presyo ng bigas.