CENTRAL MINDANAO-Magkahalong tuwa at pananabik ang naramdaman ng abot sa 2,145 na senior citizens mula sa Kidapawan City matapos nilang matanggap ang kanilang Senior Citizens’ Social Pension sa ginanap na payout.
Ayon kay Jimmy Sta Cruz ng City Information Office (CIO) na nakapaloob sa payout ang 1st and 2nd semester (2019-2021) na nagkakahalaga ng P3,000 bawat semester para sa mga pensioners kabilang na ang tinatawag na replacement at variance kung saan mula sa P6,000 hanggang P15,000 kabuuang halaga ang tinanggap ng mga pensioner.
Ginanap ang payout sa dalawang mga venues – Sinsuat Covered Court, Barangay Poblacion at Barangay Balindog Covered Court, Kidapawan City mula 8AM hanggang 5PM.
Hinati-hati ang payout o releasing sa tatlong schedule at ito ay 8AM-10AM para sa mga senior citizens mula sa mga barangay ng Ilomavis, Balabag, Meohao, Ginatilan, at Mua-an, 10AM 012NOON para sa nagmula sa mga barangay ng Macebolig, Sumbac, Junction, Kalaisan, at Magsaysay, at 3PM-5PM naman sa mga nanggaling sa mga barangay ng Birada, Perez, Manongol, Indangan, Nuangan, at Singao.
Abot sa P6M naman ang kabuuang halaga na naipamahagi ng CSWD sa tatlong scheduled payouts at pati na rin sa mga mga payouts na ginawa kamakaylan.
Tiniyak naman ni City Social Welfare and Development Officer Daisy P. Gaviola, RSW na maayos ang naging pamamahagi ng pesion at nasunod ang minimum health standards at nakipag-ugnayan din sila sa Kidapawan City Police at Traffic Management Unit o TMU para sa seguridad at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko.
Pinasalamatan naman ni Gaviola ang Department of Social Welfare and Development Office o DSWD Field Office 12 sa maayos na coordination at suporta sa bawat payout activity na ginagawa ng tanggapan.