Nagpadala ng nasa kabuuang 8,642 na mga pulis at 11,619 na mga bumbero ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Karding.
Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, ipinadala ang mga ito para tiyaking ligtas at protektado ang mga kababayan nating biktima ng pananalasa ng nasabing bagyo.
Bukod dito ay sinabi rin ni Abalos na nagpadala rin sila ng dagdag na fire trucks, ambulasya, rescue trucks at boat para makatulong naman sa disaster relief operations sa mga lugar na direktang tinamaan ng bagyo partikular na sa mga strategic at vital installations at gayundin sa mga evacuation centers.
Samantala, sa kabilang banda naman ay pinuri ng kalihim ang mga local government unit ng mga apektadong lugar dahil sa naging kahandaan ng mga ito pagdating sa supply at evacuation centers, at gayundin sa pagsasagawa ng preemptive evacuations noong Sabado.
Kasabay naman ng muling pagpapaalala sa lahat ng mga local chief executives na palaging manindigan at maging present partikular na sa mga lugar na prone sa mga sakuna – bago, habang, at pagkatapos ng kalamidad.