Mag-aalok ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit 200,000 bakanteng trabaho na maaaring aplayan ng mga job seeker sa ilulunsad na malawakang job fair kasabay ng pagdiriwang ng ika-122 Labor day sa Mayo 1, 2024.
Nasa 95 ang job fair venues na lalahukan ng 2,441 employers na mag-aalok ng kabuang 204,818 job vacancies sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang mga pangunahing bakanteng trabaho na iaalok sa labor day ay ang mga sumusunod:
1. production workers o operators
2. customer service representatives
3. cashier, bagger, sales clerk
4. laborer, carpenter, painters
5. service crew, cook, waiter/server
Samantala, sa pre-Labor day press conference, ibinahagi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bumubuti na ang employment situation sa ating bansa base na rin sa survey kamakailan mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Kung saan base sa data ng PSA, bumaba sa 2.15 million ang bilang ng unemployed o mga Pilipinong walang trabaho noong Enero ng kasalukuyang taon mula sa 2.38 million sa parehong buwan noong 2023.
Iniulat din ng ahensiya na ang unemployment rate noong Enero ay nasa 4.5%, bumabas ito mula sa 4.8% noong Enero ng nakalipas na taon.