Kasalukuyan paring nananatili ang nasa 21,492 pamilya sa iba’t-ibang mga evacuation center kasunod nang nagdaang bagyong ‘Nika’, ‘Ofel’, at ‘Pepito’ ayon sa report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Base sa datos ng DSWD-Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, nasa 75,110 indibidwal parin ang kasalukuyang nasa 673 na evacuation center sa bansa.
Dagdag pa rito ang nasa 46,141 na katao ang pinili namang manuluyan sa kanilang mga kaibigan at kaanak.
Nakapag paabot narin ang ahensya ng humanitarian aid na aabot sa P405.74 million kasama ang iba pang mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Inuulat rin ng DSWD na mayroon pa silang P2.32 billion na resources kung saan P144.43 million dito ang naka standby funds at aabot naman sa P2.18 billion ng halaga ng pagkain at non food items na naka handa na umano para ipamahagi.