Mahigit 21,000 fully vaccinated na mga foreign travelers ang dumating sa Pilipinas mula nang buksan ng bansa ang mga border nito noong Pebrero 10.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, hanggang nitong February 19, nasa kabuuang 21,974 na ang tourist arrivals sa Pilipinas.
Pinakamarami ang nanggaling sa US, pangalawa mula Canada, pangatlo ang mga nanggaling sa United Kingdom, at pang-apat naman sa South Korea.
Sinabi rin ng DOT na may mga dumating din na nagmula sa Australia, Vietnam, at Japan.
Sinabi ni Puyat na maging siya ay nagulat din sa napakaraming biyahero na pumupunta sa Pilipinas mula nang binuksan ang borders ng bansa.
Dagdag pa ni Puyat na karamihan sa mga travelers ay dumating upang muling makasama ang kanilang mga pamilya.
Sinimulan ng Pilipinas na bigyan ng entry ang mga leisure travelers na nabakunahan laban sa COVID-19, sa pagsisikap na palakasin ang sektor ng turismo na nawasak ng pandemya.
Napag-alaman na ang mga mamamayan ng humigit-kumulang 150 bansa na may visa-free entry sa Pilipinas ay pinahihintulutang makapasok sa bansa.