Posibleng maaapektuhan ang hanggang 217,846 na ektarya ng mga palayan dahil sa mga pag-ulan at mga pagbaha sa ilang bahagi ng bansa dulot ng magkakasunod na Low Pressure Area, Soutwest Monsoon, ang ang dalawang bagyo na kamakailan ay pumasok sa teritoryo ng bansa.
Ito ay batay sa pagtaya ng Philippine Rice Information System, ang kauna-unahang satellite-based rice monitoring system sa Southeast Asia na ginagamit ngayon sa Pilipinas.
Ang mga naturang palayan ay mula sa Bicol Region, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas at ilang bahagi ng Mindanao.
Binubuo ito ng 85,000 na ektarya ng mga palayan na pawang nasa reproductive stage pa lamang at 132,802 ektarya ang nasa ripening stage.
Ang nalalabing mahigit 22,000 na ektarya ng mga palayaan ay natukoy na maaari nang anihin bago pa man ang pagtama ng bagyo
Una nang tiniyak ng Department of agriculture na nakabantay ito sa epekto at iiwang danyos ng mga magkakasunod na sama ng panahon.
Ayon sa DA, nakahanda ang mga punla ng palay, mais, at mga high value crops para ipamahagi sa mga maapektuhang magsasaka, kasama na ang mga gamot sa mga alagang hayop na maaaring mangangailangan.
Tuloy-tuloy din ang PRIS sa paglalabas ng mga bagong assessment at updated report para magabayan ang mga magsasaka ukol sa mga kalamidad.