-- Advertisements --
image 295

Matagumpay na nakapagbigay na ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng mahigit 22 milyong ePhilID o ang electronic printable na version ng Philippine Identification System (PhilSys) ID o sa mga rehistradong Pilipino.

Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Statistics Authority na noong Pebrero 14, 2023, ang kabuuang electronic printable version na inisyu ay nasa 22,218,718 na.

Idinagdag nito na unti-unti ring inilunsad ang isang website kung saan maaaring ma-download ang isang portable document format (PDF) na kopya ng electronic printable version o ePhilID, na nagbibigay sa mga rehistradong tao ng kaginhawahan ng isang ID na maaaring ilagay sa kanilang mga mobile devices.

Ayon kay Philippine Statistics Authority Undersecretary Dennis Mapa, sa pamamagitan ng diskarteng ito, ang mga rehistradong indibidwal ay maaari na ngayong mag-download ng kanilang national ID sa kanilang mobile device at gamitin ito sa mga transactions anumang oras.

Dagdag dito, ang mga nakarehistrong tao na nakatanggap ng text message na ipinadala ng statistics agency ay maaaring mag-download ng electronic printable version.

Maaari itong i-scan gamit ang PhilSys Check sa pamamagitan ng kanilang website na isang tool sa pagpapatunay ng pagkakakilanlan na nagsusuri ng mga data.

Una na rito, sinabi ng Philippine Statistics Authority na patuloy itong nakikipagtulungan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Postal Corporation (Post Office) para mapabilis ang pag-imprenta at paghahatid ng mga Philippine ID.