Kinumpirma ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMO) ng Zambales na nagsagawa sila ng preemptive evacuation sa 23,000 boy scouts na participants sa 17th National Jamboree ng Boy Scout of the Philippines mula sa Camp Site sa Botolan, Zambales kanina.
Ito ay dahil sa pananalasa ng bagyong Tisoy.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PDRRMO Zambales chief Ms Gracie Macabare, sinabi nito na nagdesisyon na ang mga organizers na ilikas ang mga bata.
Kaya agad nagsagawa ng preemptive evacuation ang PDRRMO Zambales.
Dahil dito, nagpadala ang DPWH, provincial at municipal governments, Phil. Red Cross, at iba pang volunteers ng mga tauhan at sasakyan para i-evacuate ang mga bata patungo sa iba’t ibang evacuation centers at mga covered court sa lalawigan.
Nagsimula ang jamboree noong Disyembre 1 at magtatapos sana sa Disyembre 7, subalit mula noong Linggo, nahirapan na sila sa mga aktibidad dahil sa mga pag-ulan.
Sinabi ni Macabare na sa ngayon, inaayos muna nila ang mga boy scouts sa mga evacuation centers at saka bibigyan ng mga pagkain.
Ang mga boy scouts ay nagmula pa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Apela naman ni Macabare sa mga magulang ng mga boy scouts na huwag mag-alala dahil nasa ligtas at maayos na ang kanilang mga anak.
Sinasabing nakakaranas na rin ng light rains ang probinsiya ng Zambales dahil sa bagyo.