Aabot sa mahigit 2,400 na kabahayan sa lalawigan ng Batanes ang napinsala dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Julian.
Ito ang kinumpirma ni Batanes Governor Marilou Cayco sa publiko.
Sa isang panayam, sinabi ni Cayco na ito ay may kabuuang bilang na 2,463 o katumbas ng 60% totally damaged habang 40% dito ay partially damaged.
Paliwanag ng opisyal na ang naturang bilang ng mga napinsalang kabahayan ay dahil na rin sa mga materyales na ginamit sa pagbuo ng mga bahay.
Karamihan sa mga bagong bahay ay binuo gamit ang mga light materials lamang.
Samantala, napinsala rin ang Batanes General Hospital habang apektado rin ang supply ng kuryente at tubig sa lalawigan dahil sa sama ng panahon.
Ilan namang mga residente ang naitalang sugatan bagamat wala namang naiulat na nasawing residente.