-- Advertisements --

Umabot sa mahigit 250,000 katao ang nagbigay pugay sa huling sandali para sa namayapang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Francis sa loob ng tatlong araw na public viewing sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City sa Rome, Italy.

Mula sa mga mananampalatayang Katoliko na nagmula pa sa iba’t ibang bansa hanggang sa mga church at political leaders ang nagtungo sa 3 araw na public viewing na nagtapos nitong gabi ng Biyernes, Abril 25 nang opisyal na isara ang kabaong ng Santo Papa sa idinaos na liturgical rites bago ang state funeral sa St. Peter’s Square at tuluyang paglibing sa labi ng Santo Papa sa basilica sa labas ng Vatican ngayong araw ng Sabado, Abril 26.

Sa nakalipas na tatlong araw, matiyagang pumila at nag-antay ng ilang oras ang libu-libong mga nagdadalamhati sa pagpanaw ng Santo Papa para magpaalam sa huling sandali at magbigay pugay sa kaniya.

Bunsod ng mas mataas kesa sa inaasahang bilang ng mga taong nagtungo sa Vatican, pinalawig pa ang oras ng pagbubukas ng basilica hanggang sa magdamag.

Samantala, inaasahan naman na magtitipun-tipon ang nasa 200,000 katao sa St-Peter’s Square at hanggang sa 300,000 pa sa may rutang dadaanan sa pagdadala sa labi ng yumaong Santo Papa mula sa Vatican patungo sa paglilibingan nito sa St. Mary Major basilica.

Kaugnay nito, nagpakalat na ang Italya ng mahigit 2,500 police officers at 1,500 na mga sundalo para magbigay ng seguridad sa kasagsagan ng funeral ngayong araw na inaasahang matatapos sa oras na alas-2:00 ng hapon, oras sa Roma o alas-8:00 ng gabi, oras sa Pilipinas.