Ikinabahala ng Commission on Population and Development (CPD) ang paulit-ulit na pagkakabuntis ng mga kabataang Pinoy, at ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga ito.
Ayon kay CPD Knowledge Management and Communications Division chief Mylin Mirasol Quiray, 25,358 repeat pregnancies na kinauugnayan ng mga teenager ang naitala na ng ahensiya.
Ang mga dalagitang nabubuntis ay may edad sampu(10) hanggang 19.
Ang nakababahala aniya, nabubuntis ulit ang mga ito, bago pa man nila maabot ang edad 20.
Mula sa mahigit 25,000 na ito, lumalabas sa datus ng CPD na 23,022 na mga nanay na may edad 15 hanggang 19 ang muling nabuntis ilang taon lamang ang agwat.
Sa naturang age group, 2,169 ang nabuntis sa ikatlong pagkakataon; 125 ang nabuntis sa ika-apat na pagkakataon, at dalawa ang umabot pa sa limang pagkakataon.
Sa mga batang mas bata kaysa 15 yrs old, mayroong 40 dalagita ang nabuntis ng dalawang beses.
Ayon naman kay UN Population Fund Philippines (UNFPA) country representative Leila Saiji Joudane, kailangan na ng isang batas na tutugon sa maagang pagbubuntis o teenage pregnancy upang makapagbigay ng komprehensibong aksyon at maayos na framework na susundin sa pagtugon sa problema.