Inanunsiyo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na drug-cleared na ang kabuuang 29,390 mula sa 42,002 barangay sa bansa.
Ang mga drug-cleared barangays ay mga dating apektado ng iligal na droga, na isinailalim sa Barangay Drug Clearing program at idineklarang cleared na mula sa ipinagbabawal na droga.
Sa ibinahaging accomplishment report ng ahensiya, sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na nasa kabuuang 320 lugar sa bansa ang itinuturing na “unaffected” o mga barangay na walang mga indibidwal na drug user, drug pusher, drug den maintainers at iba pang illegal drug activities.
Iniulat din ng PDEA na nasa 6,179 barangay ang idineklara bilang drug free na nangangahulugan na ang mga lugar na ito ay hindi apektadong barangay na nakumpirma ng Oversight Committee on Barangay Drug Clearing.
Subalit, iniulat din ng ahensiya na may kabuuang 6,113 barangay pa rin ang itinuturing na apektado ng iligal na droga.
Kung saan ang Metro Manila pa rin ang nananatiling paboritong merkado para sa iligal na droga.
Tinututukan naman ng PDEA na pinagdadalhan at imbakan ng illegal drugs ang mga lugar sa Central Luzon, Calabarzon, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ibinahagi din ng PDEA ang ilan sa pinakamalaking drug hauls ng gobyerno sa unang kwarter ng 2025 kabilang ang nasabat na 404.95 kilos ng shabu sa Port of Manila noong Enero 23.