Umabot sa kabuuang 29,016 drug user at mga drug pusher ang natulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency na sumailalim sa rehabilitation program.
Ito ay binubuo ng 25,789 drug user at 3,227 drug pusher.
Ang mga ito ay sumailalim sa ilang serye ng rehabilitation at reformation program mula sa kabuuang 1,314 barangay sa kabuuan ng 2024.
Sa mahigit 25K na drug user, mahigit 16,400 sa kanila ay nakapagtapos na sa community-based drug rehabilitation program habang mahigit 9,000 na rin ang naka-kumpleto sa general intervention program. Ang dalawang programa ay kapwa isinasagawa na mismo sa mga barangay upang mas madali ang pagtutok sa kanila.
Mayroon namang natitirang 232 user na kasalukuyang sumasailalim sa recovery process sa pamamagitan ng mga accredited drug abuse treatment and rehab center.
Sa panig ng mahigit 3,200 drug pusher, 749 sa kanila ang nakapag-graduate na sa ilang serye ng rehabilitation habang mayroong nalalabing 79 na kasalukuyang sumasailalim sa reformation sa ilalim ng Balay Silangan Reformation Program.
Naniniwala ang PDEA na ang mga serye ng rehabilitasyon kung saan sumasailalim ang mga ito ay magiging daan para sa pagbabagong-buhay ng mga ito, kasabay ng muli nilang pagbabalik sa komunidad.