Tinukoy ng Office of Civil Defense (OCD) ang hindi bababa sa 2,669 na komunidad na nanganganib sa posibleng landslides sa buong rehiyon ng Davao.
Ito ay sa gitna ng tumataas na panawagan para sa gobyerno na mahigpit na ipatupad ang mga rekomendasyong nakabalangkas sa hazard map na ginawa ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), kasunod ng isang nakamamatay na landslide kamakailan na kumitil ng maraming buhay sa mining village ng Davao de Oro province.
Ayon kay Ednar Dayanghirang, Office of Civil Defense-Davao Region director, kinakailangan ng agarang tugon mula sa gobyerno para sa napipintong landslide disasters sa mga lugar na ito at para maiwasan ang isa pang sakuna tulad ng malawakang pagguho ng lupa na tumama sa mining village ng Masara sa bayan ng Maco sa Davao de Oro province noong Pebrero 6.
Samantala, hanggang alas-7 ng gabi noong Pebrero 18, iniulat ng provincial government ng Davao de Oro na nakarekoer ang disaster responders ng 98 na bangkay mula sa landslide area sa Barangay Masara, at patuloy na nagsisikap na mahanap ang walo pang nawawala.