-- Advertisements --
brosas

Iniulat ni Gabriela Party List Representative Arlene Brosas sa House plenary debates sa panukalang pondo ng DOLE para sa 2024 na mula sa mahigit 13 million manggagawa sa pribadong establishimento sa bansa, nasa 2.29 million dito ang nakakatanggap ng mababa sa minimum wage.

Dagdag pa ng mambabatas na 3.82 million dito ay nakakatanggap ng minimum wage.

Nangangahulugan aniya na 46.8% o halos kalahati ng kabuuang bilang ng sinasahurang manggagawa sa pribadong sektor ay mga minimum wage earners.

Kinumpirma naman ng budget sponsor ng DOLE na si Quezon 2nd District Representative David Suarez sa House of Representatives ang naturang datos.

Paliwanag ni Suarez na karamihan sa mga exempted mula sa pagbibigay ng minimum wage ay karamihan mga negosyong nag-uumpisa pa lamang o mga tinatawag na micro, small and medium enterprises (MSMEs). Aniya, kung itatakda agad ang mataas na sahod baka magresulta aniya ito sa pagsasara ng kanilang negosyo.

Kaugnay nito, umapela si Rep. Brosas ng karagdagang pondo para taasan pa ang bilang ng labor inspector sa susunod na taon.

Kasalukuyan kasing mayroon lamang 1,210 labor inspector sa buong bansa.

Base sa inspeksyon, nasa 93.78% ang sumusunod sa labor laws and standards ayon kay Rep. Suarez.

Subalit ang bilang ng nainspeksyong establishments ay mas mababa sa 1/4 ng kabuuang 102,000 negosyo sa buong bansa.