Tinatayaang mahigit tatlong milyong katao na ang naapektuhan sa magnitude 7.7 na lindol na sumentro sa Myanmar nitong huling lingo ng Marso.
Ito ay batay sa pagtaya ng United Nations (UN), na una nang nagdeploy ng mga health expert at mga search and rescue personnel sa naturang bansa upang tumulong sa nagpapatuloy na paghahanap sa mga missing.
Ayon sa UN, marami sa mga kumpirmadong apektado ay walang mauwiang bahay o matitirhang mga gusali.
Libo-libo sa kanila ang nagtityagang manatili sa mga makeshift camp sa iba’t-ibang bahagi ng Myanmar, habang limitado rin ang supply ng pagkain at mga gamot sa malaking bahagi ng bansa.
Namamayani rin ang takot sa mga residente na bumalik sa mga tinitirhang gusali dahil sa posibleng biglaang pagguho ng mga istraktura, dulot ng tuloy-tuloy na nararanasang aftershock sa malaking bahagi ng bansa.
Batay pa sa ulat ng UN, marami rin sa mga residente ang pinipiling manatili at matulog na lamang sa labas ng kanilang bahay, kahit na buo pa rin ang ito, pagkatapos ng malakas na pagyanig.
Lumalabas sa inisyal na ulat ng UN na hanggang 80% ng mga buildings sa palibot ng episentro ng lindol ang nasira at tuluyang nawasak. Ang mga ito ay ang mga pangunahing komunidad sa Sagaing, Mandalay, at Magway.
Hanggang ngayong araw, umabot na sa 3,645 katao ang kumpirmadong nasawi sa malakas na lindol, habang patuloy na pinaghahanap ang maraming iba pa.