Nasagip ang kabuuang 31 katao matapos na tumaob ang isang bangka sa karagatan ng San Antonio, Northern Samar.
Ayon sa mga awtoridad, kasama sa nasagip ang ilang mga bata na sakay din ng nasabing bangka.
Nakahingi umano ng tulong ang mga sakay ng bangka at kaagad na nirespondehan ng mga kinatawan ng Philippine Coast Guard (PCG) – Northern Samar.
Gayundin na tumulong ang lokal na pamahalaan ng San Antonio, kabilang ang pulisya upang tuluyang mailigtas ang mga pasahero ng nasabing bangka.
Dagdag dito, nangyari ang insidente 4 na kilometro mula sa pampang na kung saan papunta sana ng San Antonio ang bangka na galing sa San Isidro.
Sa paunang imbestigasyon ng PCG, nabutas ang bahagi ng sasakyang pandagat matapos umanong malaglag ang debris sa starboard side na tumama sa bangka na naging dahilan ng naganap na insidente.