Pumalo na sa kabuuang 35 mga planta ng kuryente sa Luzon at Visayas grid ang nag-forced outage sa unang apat na buwan ng taong 2024.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng National Grid Corporation of the Philippines, mula noong Enero hanggang Abril ng taong kasalukuyan ay aabot sa 18 na power plant ang nag-forced outage sa Luzon grid, habang nasa 16 naman sa Visayas grid.
Bukod dito ay nakapagtala rin ang ahensya ng dalawang planta ng kuryente sa Luzon grid ang tuloy ang operasyon ngunit nasa mas mababang power capacity, habang walo naman ang may kaparehong kondisyon sa Visayas grid.
Ayon sa NGCP, ito ang dahilan kung bakit nakakaranas ng pagnipis sa supply ng kuryente sa mga lugar na nasasakupan ng Luzon at Visayas grid.
Dahil dito ay isasailalim muli sa yellow alert ang naturang mga grid.
Batay sa abiso na inilabas ng ahensya, mula alas-1:00pm hanggang alas-4:00pm at mula alas-8:00pm hanggang alas-10:00pm ilalagay sa yellow alert ang Luzon grid.
Habang magmumula alas-1:00pm hanggang alas-4:00pm at mula alas-6:00pm hanggang alas-7:00pm isasailalim sa yellow alert ang Visayas grid.
Ang yellow alert status ay inilalabas sa tuwing hindi sumasapat sa contingency requirement ng transmission grid nito sa operating margin.