DAVAO CITY – Pinaninindigan ng National Telecommunications Commission (NTC) Davao region na irerekomenda nila ang pagpapasara sa mahigit 30 mga radio stations sa buong rehiyon dahil wala umano itong mga lisensiya at nagpapatuloy pa rin sa kanilang operasyon.
Una nang inihayag ni Nelson Cañete, regional director ng NTC, nagpalabas na sila ng cease and desist order laban sa nasabing mga radio stations sa rehiyon at patuloy nila itong mino-monitor.
Nabatid na nagsagawa ng ocular investigation ang ahensiya sa mga istasyon ng radyo at may nakikitang paglabag nito ang NTC.
Sinabi rin ng opisyal na karamihan sa mga radio station na ipapasara ay pagmamay-ari ng mga politiko sa mga lalawigan.
Bagama’t ilan umano sa mga ito ay boluntaryo ng nagsara ng kanilang istasyon dahil alam ng mga ito na hindi nila maaaring ipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Tiniyak naman ng NTC na hindi sila titigil sa pag-monitor ng mga radio station na walang sapat na mga dokumento.