CAUAYAN CITY- Mahigit 200 na forest trees ang itinanim ng mga kawani ng Community Environment and Natural Resources Office ( CENRO ) Cauayan City bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Arbor Day ngayong araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni OIC Diosdado Contilla ng CENRO Cauayan na nakapagtanim sila ng 205 seedlings ng forest trees na kinabibilangan ng ipil tree na 180 , 90 at iba pang puno .
Maliban sa forest trees ay nakapagtanim din sila ng 122 piraso ng fruit bearing trees na guyabano.
Ang mga forest trees at fruit trees na ito ay naitanim sa Sitio Bantay Pukaw, Brgy. Rizal, San Guillermo kung saan nakahimpil ang DENR Ranger station.
Sumama din aniya sa pagtatanim ang ilang opisyal ng barangay Rizal at ilang kawani din ng LGU San Guillermo.
Simultaneous tree planting umano ito kaya naman bukod sa mga kawani ng kanilang tanggapan na nagtungo sa sitio bantay pukaw, ay nagtungo naman ang grupo ni OIC Contilla sa Barangay Bunnay, Angadanan kung saan naroon ang plantation area ng CENRO Cauayan na may lawak na 1.12 hectare.
Aabot naman sa 222 piraso ng kawayan ang naitanim sa Bunnay, Angadanan.
Ang mga kawayan ay naitanim malapit sa Cagayan river upang maiwasan ang pagguho ng lupa lalo sa panahon ng mga malalakas na pag-ulan o bagyo.