-- Advertisements --

Patuloy pa ring nadadagdagan ang bilang ng mga inililikas na mga residenteng naapektuhan dahil sa epekto ng Bagyong Egay.

Sa huling tala kasi ng NDRRMC, nasa mahigit 300,000 na ang kabuuang bilang ng nailikas mula sa kani-kanilang mga tahanan patungo sa evacuation centers.

Ang bilang naman ng mga namatay mula sa Bagyong Egay ay tumaas na sa 25 ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Dalawampu’t tatlo sa mga nasawi ay patuloy pa ring bineberipika ng mga awtoridad.

Dagdag dito, hindi bababa sa 20 katao ang nananatiling nawawala at 52 iba pa ang nasugatan.

Halos 2.4 milyong katao mula sa Luzon, Western Visayas, Northern Mindanao, Davao Region Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang naapektuhan ng malakas na bagyo at habagat.

Sa ngayon ay nakapagbigay na ang gobyerno ng kabuuang P146 million na tulong para sa mga apektadong residente.

Una na rito, ang bagyong Egay ay ang ikalimang bagyo na tumama sa Pilipinas ngayong taon.