KORONADAL CITY – Nasa mahigit 300 pamilya na lamang ang nananatili sa mga evacuation centers matapos silang lumikas dahil sa bakbakan sa pagitan ng MILF at BIFF kamakailan.
Ito ang iniulat ni Major Arvin Encinas, spokesperson ng Western Mindanao Command (Wesmincom) sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Encinas, kalahati sa mga ito ang hindi pa bumabalik sa kanilang mga tahanan dahil sa takot na maipit kung muling magsasagupa ang dalawang panig.
Ngunit tiniyak nito na nakatutok ang militar sa Sitio, Tinolusan, Brgy. Desawao sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao upang hindi magkaraoon ng spillover.
Samantala, kinumpirma rin ng opisyal na napatay ng mga kasapi ng CAFGU ang isang miyembro ng BIFF matapos itong umiwas sa checkpoint sa Barangay Malangit sa Pandag, Maguindanao.
Ayon kay Encinas, umiwas ang suspek na si Kaliga Usman Kamsa sa mga checkpoint at binaril pa ang mga CAFGU dahilan kaya gumanti ng putok ang mga ito kung saan tinamaan at napatay ang suspek.
Narekober sa posisyon ni Kamsa ang dalawang granada at ang baril na ginamit nito.