Idineklarang hindi nasugatan at naibaba sa eroplano ng Philippine Air Line ang sakay nito na kabuuang 361 pasahero na biyaheng Amerika matapos makaranas ng technical glitch nitong gabi ng Biyernes, Hulyo 5.
Ayon kay PAL spokesperson Cielo Villaluna, hindi nakapag-take off ang PAL flight 102 na patungong Los Angeles, California matapos mapansin ng piloto ang technical problem sa taxiway ng runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nagdeploy naman ang MIAA ng mga bumbero sa pinangyarihan ng insidente matapos na madetect ang usok sa eroplano.
Na-tow na o hinatak na ang eroplano mula sa runway ng paliparan.
Habang inaasikaso naman ang replacement flight, binigyan ng airline ang lahat ng mga pasaherong naantala ang flight ng pagkain at accommodation.
Una ng sinabi ni Villanueva na ang bagong flight na available para ma-accommodate ang mga pasahero ay bumiyahe patungong Los Angeles kaninang alas-2 ng hapon.
Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng PAL sa mga naapektuhang pasahero sa naging aberya.