Pinalaya na mula sa kustodiya ng mga otoridad ang nasa kabuuang 373 na mga Filipino workers na nasagip mula sa isang Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Tarlac.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission Undersecretary Gilbert Cruz matapos na sumailalim sa kaukulang interview at trauma assessment ang mga ito sa tulong ng Department of Social Welfare and Development.
Gayunpaman, mayroon pa rin siyam na mga Pilipino ang kinailangan manatili sa naturang lugar upang tumayong witness sa kaso.
Habang may isa pang Pinoy ang mahaharap naman sa kaso matapos mapatunayang may kaugnayan ito sa naturang POGO firm bilang isang officer ng nasabing kumpanya.
Kung maaalala, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PAOCC, Philippine National Police, at AFP Northern Luzon Command ang pasisilidad ng Sun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac noong Marso 13, 2024 sa bisa ng dalawang search warrant na inilabas ng Bulacan Court.
Dito ay nasagip ang nasa mahigit 800 manggagawa na pinaniniwalang pawang mga POGO workers kung saan nasa mahigit 500 sa kanila ay mga dayuhan.
Bukod dito ay narekober din ng mga otoridad mula sa kanilang ikinasang operasyon ang mga samu’t saring mga armas, dose-dosenang mga mobile phones, at scripts na pinaniniwalaan namang ginagamit sa kanilang mga scam transactions, tulad ng love scam modus