Apektado ang kabuung 309,518 indibidwal o katumbas ng 85,415 pamilya sa ilang rehiyon sa Luzon dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Nika at bagyong Ofel.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes, naitala ang mga apektadong pamilya sa Ilocos region, Cagayan valley, Central Luzon, Bicol at Cordillera Administrative region.
Kung saan nasa mahigit 26,000 indibidwal ang nananatili pa rin sa mga evacuation center habang may mahigit 19,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang mga lugar.
Sa ngayon 2 na ang napaulat na nasugatan sa Central Luzon sa gitna ng pananalasa ng 2 magkasunod na bagyong tumama sa ating bansa ngayong Nobiyembre.
Samantala, iniulat din ng ahensiya na pumalo na sa kabuuang 320,658,974 ang halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura sa Central Luzon.
Nasa mahigit 2,000 kabahayan ang nasira na karamihan ay naitala sa Cagayan valley. Kabuuang 153 road sections at 91 tulay naman ang naapektuhan dahil sa mga pagbaha.
Nagpapatuloy naman ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga apektado ng kalamidad na umaabot na sa mahigit P10.646 million halaga ng relief assistance.