-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 31,000 mula sa 115,791 preso ang nakatakdang bumoto sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.

Ayon kay BJMP spokesman Supt. Jayrex Joseph Bustinera, nasa 31, 251 preso ang boboto sa 393 special polling centers sa loob ng mga piitan na pinapatakbo ng BJMP.

Ang nalalabing 464 na persons deprived of liberty (PDLs) ay i-eskortan ng jail officers habang bumoboto sa mga polling precinct kung saan sila nakarehistro.

Iniulat naman ng opisyal na mayroong 7 PDLs ang tumatakbo sa pagka-Senador, alkalde, kongresista habang 2 naman ang kandidato sa pagka-bise alkalde at dalawa ang tumatakbo bilang municipal councilor.

Nauna ng sinabi ni Bustinera na pinapayagan sa ilalim ng batas na bumoto sa nalalapit na eleksiyon ang mga rehistradong botanteng preso na nakabinbin ang kaso at hindi pa nareresolba ng korte.

Gayundin ang mga kinasuhan at naga-antay ng kanilang trial at ang mga indibidwal na isinisilbi ang kanilang sentensiya sa kulungan ng mababa sa apat na taon.