Nasa humigit kumulang P15.6 billion ang halaga ng mahigit 31 million doses ng mga bakuna kontra covid-19 ang nasayang ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ay katumbas ng 12% ng 250.38 million doses na natanggap at binili ng gobyerno.
Inihayag naman ni Senator Pia Cayetano na siyang sponsor ng panukalang pondo para sa 2023 ang dahilan ng pagkasayang ng mga bakuna.
Isa sa dahilan ng expiration o pagpaso ng mga bakuna ay dahil ilan sa mga COVAX funded vaccines na natanggap ay mayroon lamang kaunting lifespan. Mayroon ding mga bakuna na nasira dahil sa natural disasters, hindi angkop na temperatura at underdosing.
Ipinunto naman ni Senator Risa Hontiveros na may mga naitala ring nasayang na bakuna noong Agosto na nasa 20.66 million o katumbas ng 8.42% ng mga biniling bakuna.
Nilinaw naman ni Sen. Cayetano na nagsagawa ng complete inventory at doon natuklasan ang mga bakuna na nakaimbak pa sa kadulu-duluhang bahagi ng warehouses subalit sa ngayon aniya ay mas accurate na ang kanilang inventory.
Sinabi din ng Senadora na sa itinakda ng World Health organization (WHO), nasa 10% lamang dapat ang threshold para sa vaccine wastage subalit natuklasan ng WHO na nasa mga bansa na low-income, middle-income at high-income, lumobo sa 30% ang nasasayang na covid-19 vaccines.