Muling pinasok ng maraming mga Chinese aircraft ang himpapawid ng Taiwan.
Batay sa statement na inilabas ng Taiwan Ministry of National Defence, nakapagtala ito ng kabuuang 37 Chinese aircraft na pumasok sa airspace ng Taiwan, kabilang ang mga fighter jet, bomber, at mga drone.
Tatlumpo’t-anim(36) mula sa 37 aircraft ang natukoy na pumasok o tumawid sa sensitibong median line na naghihiwalay sa mainland China at Taiwan.
Ayon pa sa Taiwan Ministry of Defense, ang mga Chinese aircraft ay patungo sa Western Pacific gamit ang timog-silangang airspace ng Taiwan.
Ayon naman kay Taiwan Defence Minister Wellington Koo, ang mga ito ay hindi tumawid sa Bashi Channel o ang katubigang nasa dulong timog ng Taiwan, kundi tumuloy lamang sa Balintang Channel, isang masikip na waterway sa hilagang bahagi ng Pilipinas at ilan daang kilometro lamang ang layo mula sa babuyan Islands.
Samantala, nakatakdang isagawa ng Taiwan ang taunang Wanan air defense exercise nito mula July 22 hanggang July 25. Sa naturang simulation ay kinakailangan ng mga Taiwanese na magtago o manatili sa mga shelter na sadyang ginawa ng pamahalaan ng Taiwan.
Dito ay magsasagawa ang Taiwan military ng simulated air raids. Kasama sa mga sasailalim sa drill ay ang mga ginawang shelter na pagtataguan ng mga Taiwanese. Titingnan din kung gumagana ang mga ito, at kung sapat ang mga pasilidad at mga suplay na nasa loob.