Mahigit 37,000 na mga residente ng Los Angeles, Calabasas, Malibu at Pacific Palisades ganun din sa Topanga Canyon sa Los Angeles County ang inatasan ng mga otoridad na lumikas dahil sa patuloy na wildifre.
Nagtala na ang mga otoridad doon ng dalawang katao na nasawi sa Eaton fire mula sa Angeles National Forest na matatagpuan sa Altadena area ng Los Angeles County at Pasadena.
Sinabi naman ni county fire chief Anthony C. Marrone na mahalaga na seryosohin ng mga residente ang evacuation order.
Pagtitiyak niya na prioridad nila ngayon ang buhay kaysa sa mga ari-arian.
Hinikayat din nito ang mga residente na magtipid sa paggamit ng tubig dahil sa natutuyo na ang mga laman ng kanilang fire hydrants.
Nasa mahigit 1,000 hektarya ng lupain ang nasunog na at mahigit 1,000 na rin na mga gusali ang natupok ng nasabing apoy.
Tiniyak naman ni US President Joe Biden ang tulong mula sa kaniyang gobyerno at inatasan niya ang mga bumbero nito na magtulong-tulong para mabilis na maapula ang sunog.