Tinatayang aabot sa mahigit 380,000 ektarya ng mga palayan ang maaapektuhan sa pananalasa ng bagyong Enteng sa Pilipinas.
Batay sa pagtaya ng Philippine Rice Information System, maaaring aabot sa kabuuang 384,889 ektarya ng mga palayan ang maaapektuhan sa malalakas na pag-ulan at malawakang pagbaha.
Batay sa kasalukuyang datus ng Department of Agriculture(DA), may kabuuang 92,331 ektarya ng palayan ang nasa reproductive stage na.
Umaabot naman sa 292,557 ektarya ng mga palayan ang nasa ripening stage o malapit nang maani at mapakinabangan.
Samantala, umabot na sa 514,721 ektarya ng mga palayan ang naani na ng mga magsasaka bago ang pagpasok ng bagyong Enteng sa bansa.
Malaking bahagi ng mga palayang inaasahang maaapektuhan ay mula sa Luzon na kasalukuyan ngayong nakakaranas ng malawakang pag-ulan.