Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit 3,000 indibidwal ang na-displace o inilikas dahil sa mga pag-ulan dala ng bagyong Ferdie kahit panandalian lang sa bansa na pinaigting pa ng epekto ng Hanging Habagat.
Base sa inilabas na datos ng ahensiya ngayong araw ng Sabado, nasa kabuuang 4,464 pamilya o katumbas ng 14,215 indibidwal ang apektado ng bagyo sa Western Visayas, Davao Region at Soccsksargen region.
Sa naturang bilang, aabot sa 1,070 pamilya o katumbas ng 3,408 indibidwal ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan at pansamantalang nanunuluyan sa 74 na evacuation centers habang may iba naman na mas piniling manatili muna sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Nakapagtala din ng pinsala sa ilang kabahayan dahil sa malakas na hangin dala ng bagyo kung saan nasa 5 bahay ang nawasak habang 12 naman ang bahagyang nasira sa Antique, Negros Occidental, Davao Occidental, Davao Oriental, at Saranggani.
Bilang tugon, namahagi na ang pamahalaan sa kaukulang tulong para sa mga biktima ng bagyo na nasa P921 million na halaga ng relief assistance.
Matatandaan na pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo nitong gabi ng Biyernes at lumabas ng bansa dakong alas-2 ng madaling araw ngayong Sabado.