-- Advertisements --
image 128

Naghain na ng compensation claims na nagkakahalaga ng P114 million ang nasa kabuuang 3,457 mangingisda na naapektuhan ng tumagas na langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.

Kabilang sa compensable claims ang pinsala sa ari-arian, halaga ng ginastos sa cleanup activities ng tumagas na langis sa mga karagatan at dalampasigan, economic losses sa mga mangingisda at seafood vendors o mariculture, economic losses sa sektor ng turismo at halaga para sa reinstatement ng kalikasan.

Ang halaga ng compensation claims mula sa International Oil Pollution Compensation Funds (IOPC) ay preliminary pa lamang at inaasahan pa ang karagdagang claims na isusumite ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel.

Ang International Oil Pollution Compensation Funds (IOPC) ay nakabase sa London na isang environmental organization na nagbibigay ng kompensasyon sa mga nakakaranas ng pollution damage mula sa oil spills.

Ayon pa sa mambabatas, nakatakda ring maghain ng compensation claims ang Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa halaga na ginastos para sa cleanup operations, preventive measure at sea response.

Matatandaan na lumubog ang motor tanker na MT Princess Empress malapit sa Oriental Mindoro noong Pebrero 28 na naglalaman ng aabot sa 900,000 litro ng industrial fuel oil.