Naging matagumpay ang unang bugso ng anti-African Swine Fever (ASF) vaccination na pinangunahan ng Department of Agriculture(DA).
Nagawa ng vaccination team na bakunahan ang kabuuang 41 baboy mula sa bayan ng Lobo, sa probinsya ng Batangas. Ang mga ito ay mula sa dalawang farm sa Barangay Malapad.
Ang bayan ng Lobo ang itinuturing na ground zero sa muling pagsirit ng kaso ng ASF sa bansa.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, mula sa Lobo ay dahan-dahang lalabas ang vaccination team patungo sa iba pang mga lugar para sa malawakang vaccination drive.
Mayroon aniyang hanggang sampung libong bakuna kontra ASF ang binili ng pamahalaan sa pamamagitan ng emergency procurement kung saan ang mga ito ay ituturok din sa mga susunod na lingo.
Samantala, babantayan pa rin ng DA ang mga baboy na nabakunahan upang matukoy ang mga epekto ng bakunang itinurok.
Una nang sinabi ng DA na nagbigay ng hanggang dalawang libong dose ng bakuna ang kumpanya mula sa Vietnam kung saan binili ang mga anti-ASF vaccine na ituturok sa mga baboy.