Nagsimula nang kumilos ang mga barko ng China sa bahagi ng West Philippine Sea para bumuo ng blockade laban sa Civilian convoy ng Atin Ito Coalition.
Ito ang iniulat ni dating United States Air Force official at former Defence Attaché Ray Powell batay sa kaniyang pinakahuling monitoring sa West Philippine Sea.
Aniya, aabot sa mahigit 40 mga barko ng China ang nagsimula nang kumilos na kinabibilangan naman ng isang People’s Liberation Army Navy ship, walong China Coast Guard vessels, 34 Chinese militia vessels sa paligid ng Bajo de Masinloc shoal.
Gayunpaman ay inihayag din ni Powell na na-monitor din nito ang patrol ship ng Philippine Navy na BRP Ramon Alcaraz na nasa malapit sa Scarborough Shoal at patuloy din na nagbabantay sa sitwasyon doon.
Kung maaalala, una nang inihayag ng Atin Ito Coalition na tuloy at hindi matitinag ng sinuman ang kanilang isinagawang civilian mission sa Bajo de Masinloc shoal sa kabila ng mga presensya ng mga barko ng China na napaulat na bumuntot sa kanila sa kasagsagan ng kanilang mga paglalayag.
Matatandaan na kahapon ay naging matagumpay din ang ginawang paglalagay ng mga buoy ng naturang grupo sa bahagi ng West Philippine Sea na may mga katagang “WPS ATIN ITO”.