DAVAO CITY – Inaasahang dadagsa ang nasa mahigit 40,000 na mga Dabawenyo sa isasagawang “Pahalipay sa Taal” na isang taunang gift-giving event ng Duterte family na muling isasagawa ngayong taon matapos ang dalawang taon na pagkaantala dahil sa pandemya.
Kinumpirma ni DCPO Director PCol. Alberto Lupaz na kabilang sila sa maraming pwersa na isasali sa augmentation groups na i-dedeploy naman sa Disyembre 25, araw mismo ng Pasko, sa ancestral house ng mga Duterte sa Taal Road, Central Park Subdivision, Bangkal, lungsod ng Davao.
Maliban dito ay i-dedeploy rin ang mga security forces sa boung syudad kasabay ng pagsasagawa ng face-to-face na isang buwang selebrasyon ng “Pasko Fiesta 2022” na magsisimula bukas, Disyembre 1.
Una nang kinumpirma ng tagapagsalita ng Davao City Police Office na si Police Major Catherine Dela Rey na aabot sa 7,000 na mga personahe ang i-dedeploy sa isasagawang Pasko Fiesta kung saan 600 nito ang mga auxiliary na itatalaga sa 41 na mga simbahan sa syudad para na rin sa isasagawang Simbang Gabi na magsisimula sa December 16, 2022.