-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Bumisita ang King at Queen ng bansa sa lugar na pinakaapektado ng malawakang pagbaha para makidalamhati sa mga biktima.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Josephine Calub ng Belgium na tubong Isabela na ngayong araw ay bumisita ang King at Queen ng Belgium sa mga lugar na pinakaapektado ng pagbaha at nag-alay ng bulaklak sa mga namatay.

Nanatili aniya sa mga evacuation areas ang mga biktima habang ang iba ay nasa kanilang mga kamag-anak.

Aniya, hindi pinapabayaan ng gobyerno ang mga biktima at marami rin ang dumarating na tulong na mula sa iba’t ibang probinsya.

Inaayos na rin ang mga bahay na puwede pang tirhan habang ang mga hindi na ay babayaran ng insurance.

Nananatili namang walang suplay ng kuryente sa pinakasentro ng pagbaha na maaring abutin pa ng buwan.

Sa ngayon ay mahigit apatnapo na ang namatay sa Belgium dahil sa malawakang pagbaha at idineklara ang Day of Mourning ngayong araw.