Sumuporta ang maraming mga kongresista mula sa Mindanao sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ang Mindanao ay balwarte ng pamilya Duterte at isa sa mga pangunahing nag-ambag ng maraming boto para sa panalo nina dating Pang. Rodrigo Duterte at VP Sara Duterte.
Kabilang sa mga kilalang sumuporta sa impeachment laban kay VP Sara ay sina Zamboanga City Rep Manuel Jose Dalipe, Lanao Del Sur 2nd District Rep. Yasser Balindong, Lanao Del Sur 1st District Zia Alonto Adiong, at Surigao Del Norte 2nd District Rep Ace barbers.
Sa Davao Region na pangunahing balwarte ng pamilya Duterte, tanging si Davao del Sur Representative John Tracy Cagas ang sumuporta sa impeachment complaint habang hindi na pumirma ang 12 iba pang kinatawan ng Region 11.
Sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), pito mula sa walong kumakatawan sa naturang rehiyon ay sumuporta sa impeachment. Tanging si Basilan Rep. Mujiv Hataman ang hindi pumirma rito.
Gayonpaman, kapansin-pansin din ang hindi pagpirma ni PBA Party-list Rep. Margarita Nograles Almario sa complaint. Ang naturang mambabatas ay bahagi ng political clan na kalaban ng pamilya Duterte sa Davao City.
Sa kabuuan, 41 kongresista mula sa 60 kumakatawan sa iba’t-ibang syudad at distrito ng Mindanao ay sumuporta para tuluyang matanggal sa pwesto si VP Sara.