Ligtas ang lahat ng 42 Pilipinong seafarers na lulan ng foreign vessels matapos ang missile attacks habang naglalayag ang mga ito sa Red Sea.
Ito ang kinumpirma ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa isang pulong balitaan.
Aniya nasa 6 na foreign vessels ang inatake habang naglalayag sa Red Sea at Gulf of Aden simula pa noong Abril 25 ng kasalukuyang taon.
Kung saan 3 sa 6 na barko ay mayroong nakasampang Pilipinong seafarers na papunta na sa kanilang mga destinasyon.
Iniulat din ng opisyal na minor damage lang ang naitala sa nasabing mga barko.
Samantala, umapela din si Sec. Cacdac sa mga may-ari ng foreign vessels na i-divert ang kanilang paglalayag at huwag ng dumaan sa Red Sea at Gulf of Aden para sa kaligtasan ng mga seafarer.
Kapag hindi naman aniya maiwasan na dumaan sa Red Sea at Gulf of Aden na idineklara bilang war-like zones, nais ng DMW na payagan ang mga Pilipino seaferers na huwag ng isama ang mga ito sa partikular na ruta ng kanilang paglalayag.
Bunsod nga ng kasalukuyang sitwasyon sa naturang mga karagatan, lumikha ng DMW ng isang mekanismo para ma-exercise ng Pilipino seafarers ang kanilang karapatan na tumangging maglayag sa high-risk at war-like areas.
Sa kasalukuyan, nasa 25 Pilipino seafarers pa lamang ang tumangging maglayag sa naturang mga lugar.