Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mahigit 40 Filipino ang lumikas mula Kyiv patungo sa lungsod ng Lviv sa Ukraine at naghihintay ngayon ng repatriation sa gitna ng pagsalakay ng Russia.
Ayon sa twitter message ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Ysmael Arriola, nakatanggap si Philippine Ambassador to Poland Leah Basinag-Ruiz sa Lviv ng 37 Filipino na bumiyahe buong araw mula sa Kyiv.
Ang mga Pinoy ay pinatuloy sa isang hotel sa Lviv, dahil sinabi ni Ruiz na tutulungan sila ng Philippine Embassy sa pag-alis ng Ukraine at pagpasok sa Poland para makasakay sila sa kanilang mga flight pauwi sa Pilipinas.
Ang embahada ng Pilipinas sa pakikipagtulungan sa DFA-OUMWA, ay nakatuon sa pagtulong sa mga natitirang Pilipino sa Kyiv at sa iba pang bahagi ng Ukraine upang maiahon sila sa panganib habang may oras pa.
Inihanda ng gobyerno ng Pilipinas ang lokal at internasyonal na relokasyon para sa mga OFW sa Ukraine sa gitna ng hidwaan nito sa Russia ayon pa rin sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).