Umabot na sa mahigit 400 3rd level senior officers ng Philippine National Police ang nasala na ng binuong 5-man advisory group ng pamahalaan.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng maigting na paglilinis sa buong hanay ng kapulisan mula sa operasyon ng ilegal na droga.
Sa ulat ng itinalagang tagapagsalita ng komite na si PNP-Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, pumalo na sa 466 ang bilang ng mga senior officers ng Pambansang Pulisya ang sumalang na sa evaluation ng 5-man committee matapos ang kanilang muling pagpupulong kahapon.
Aniya, nakatakdang salain ang nalalabing mahigit 400 senior officers ng PNP sa susunod na pagpupulong ng mga ito na napagkasunduang gawing 2 beses sa isang linggo para mabilis matapos.
Samantala, bukod dito ay iniulat din ni Maranan na kasalukuyan nang inihahanda ang 5-man committee ang kanilang comprehensive report na isusumite kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. upang maipasa na ang rekomendasyon para sa pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.