Mahigit 400 barangay sa Metro Manila ang nanganganib sa baha dahil sa inaasahang pinagsamang epekto ng Habagat at Bagyong Betty (international name: Mawar), ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay sa report na inilabas ng MMDA, nagpapakita na 423 barangay sa Metro Manila ang nasa panganib ng baha: 124 sa Caloocan City, 110 sa Quezon City, 109 sa Manila City, 32 sa Valenzuela City, 14 sa Malabon City, 13 sa Navotas City, at isa sa Pasig City.
Ito ay matapos maglabas ng datos ang PAGASA at ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makikita na 50-millimeter rains ang inaasahan sa susunod na 24 oras.
“Medyo malakas lakas na pag-ulan ‘yan, pero scattered naman ‘yan within the 24-hour period. Hindi naman biglaan, pero marami pa rin siya… may possibility na malubog sila or bahain,” ayon kay MMDA Chairman Romando Artes.
Dagdag pa niya, “Ito pong bagyo na ‘to, kahit lumihis at hindi mag-landfall sa atin, ay hihigop ng hanging habagat na magdudulot talaga ng pag-ulan at pagbabaha,”