Inalis ng kumpanyang Meta ang nasa mahigit 400 Facebook accounts at pages ng mga umano’y “hacktivists”, kabilang ang isang group na may kaugnayan sa New People’s Army (NPA).
Ito ay bilang pagsugpo ng nasabing social media giant sa nagpapatuloy na malawakang pagkalat ng misinformation at historical revisionism.
Sa isang statement ay ipinaliwanag nina Facebook Threat Disruption Director David Agranovich at Aidan Hoy ng Meta’s Strategic Response in the Asia Pacific Region na ang mga nasabing hacktivists ay ang nasa likod ng Distributed Denial of Service (DDoS) na umaatake at sumisira sa mga lehitimong sites at news pages.
Sinasabi rin na ang nasabing mga Facebook accounts, pages, at groups ay lumalabag umano ang mga ito sa itinakdang community standards ng nasabing social media giant.
Ayon naman kay Agranovich, ang naturang hakbang ay produkto ng bagong polisiya na ipinatupad sa bansa na naglalayong bigyan ng kaukulang aksyon ang mga group at networks na gawaing palawakin ang mga mapaminsalang gawi ng kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng social media.
Bukod dito ay nag-aalok din aniya ang mga hacktivists ng cybersecurity services upang protektahan ang mga website mula sa mismong iba’t-ibang uri ng pag-atake.
Una rito ay nagpahayag na nang katiyakan sa publiko ang Meta na handa ito sa anumang posibleng pagbaha ng mga misinformation, hate speech, misleading at mapaminsalang content lalo na ngayong papalapit na ng papalapit ang araw ng halalan sa Pilipinas.