-- Advertisements --

Aabot sa mahigit 400,000 katao mula sa tatlong rehiyon sa bansa ang tinatayang apektado ng nararanasang matinding init ng panahon dulot ng El Niño phenomenon.

Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa ngayon ay aabot sa 84, 731 na mga pamilya mula sa 378 na mga Barangay sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula ang naitalang pinakalubhang nakararanas ng matinding epekto ng sobrang init ng panahon.

Bukod dito ay iniulat din ng ahensya na mayroon ding 29,409 na mga mangingisda at magsasaka ang apektado ng matinding tagtuyot sa anim na rehiyon na kinabibilangan naman ng Ilocos Region, Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.

Kaugnay nito ay nakapagtala rin ng aabot sa Php1.2 billion na halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura nang dahil pa rin sa El Niño phenomenon.

Habang nasa halos Php500 million na ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan para sa mga apektadong indibidwal.